Lunes, Nobyembre 2, 2009

Unang Tungkulin ng Manggagawa - ni Crisanto Evangelista

KUNG ANO ANG MGA PANGUNANG TUNGKULIN NG ISANG MANGGAGAWA
ni Crisanto Evangelista
(Panayam na binasa sa Pulong ng Kapisanang “Sikap Kabataan”, sa Pe├▒afrancia, Pako, Maynila, noong ika-5 ng Oktubre, 1913)
PAUNANG SALITA
G. Pangulo, Kabinibinihan at mga Kasama:
Ang Lupon sa Panayam na natatag sa pamamagitan ng isang kapasiyahan noong nagdaang pulong, pagkatapos ng kanyang masusing pagpili sa magiging pangunang salaysayin o paksa ay minarapat na iuna ang: “Kung Ano ang mga Pangunang Tungkulin ng Isang Manggagawa” at ang naatasang gumanap sa naturang salaysayin ay dili iba’t ang hamak na nagsasalita sa inyo ngayon.
Aandap-andap ang aking kalooban at ako na sa sarili ang nagsasabing hindi kapit sa akin, na isang hamak na manglilimbag, ang tungkuling ito, sapagkat buong buo na ang aking paniniwala na marami sa atin ang kapag kauri na niya ang nagsisiwalat ng isang damdaming katutubo, ng isang katotohanang nadadama at sinasaksihan ng mga pangyayari, ay di pinapansin at ipinagwawalang bahala. Subukin ninyong gumawa ng isang aklat, sumulat ng isang lathala, magbigay ng isang kuro na may lagda ng iuyong pangalan – at hindi pamagat o pseudonismo – ay makikita ninyong isa ma’y walang pumupuna, ang ibig ko bagang sabihi’y bihira ang bumabasa noon, at subukin ninyong humingi ng kuro sa isa namang nakabasa at matuturol na ninyo kung ano ang isasagot: “Isang sipi lamang, isang lipas na kuro, isang bagay na walang kapararakan sa buhay at pagsasamahan ng mga tao.” Anopa’t ang ibig sabihin sa tiyakang pagsasabi ay wala nang kailangang pag-abalahan pa, una’y manggagawa lamang ang may lagda at pangalawa’y isang kurong wala tayong mapupulot pagkat lipas na sa panahon, wala nang kapararakan.
Iyan ang balakid na nakababahala sa akin, kung bakit alinlangan ako at kung bakit sinabi kong hindi ako ang karapatdapat na manungkol sa isang panayam na gaya nitong idinadaos natin ngayon. Datapwat sa kabilang dako naman, doon sa kabila ng aking pag-aalapaap, nab aka nga di maging marapat ang aking bibigkasin sa inyo, ay may nababanaagan akong isang katungkulang hindi maaaring ipag-urongsulong: ang pagsisiwalat ng mga tala at pangyayaring nagpapasigla sa akin at nagsasabing nararapat akong magpatuloy, kasakdalang yaring mga pangungusap ay dahop sa timyas ng isang wagas na literature.
SIMULA NG AKING PANIWALA
At palibhasa’y kabilang ako sa lalong maraming anak ng Diyos na nagdaralita, isa ako sa mga nagtitiis at nakadadama ng hirap sa gitna ng ating pakikipamuhay, pinagpilitan kong kilalanin, suriin o pag-aralan ang mga sanhing kailanma’y siyang pinanggagalingan ng pagkaapi, pagkapariwara at pagkalipos ng kapighatian.
Nagbasa ako ng mga aklat at lathala ng mga kilalang manunulat ng ukol sa manggagawa dito sa atin – nina Lope, Mendoza, Ronquillo, Soriano at iba’t iba pa – at ang tanging natutuhan ko at napulot sa mga mahalagang bagay na iyon ay wala kungdi isang katotohanan lamang: “Na nasa pagkakaisa ang buhay, lakas at katubusan ng mga manggagawa.” Salamat sa pagkapulot kong ito at ginising ang aking pusong tumulong sa pagsasagawa ng simulating yaon. Mula pa noong Pebrero ng 1902 ay nasok na ako sa mga kapisanan, nakinig ako ng mga iba’t ibang uri ng talumpati, sumama ako sa mga dakilang pulong at pamahayag; datapwa’t ang ipinagtataka ko’y kung bakit hindi maisagawa dito sa atin ng buo at ganap ang diwa ng dakilang simulating yaon. Itong sanhing ito ang sumisira sa aking isip at din a miminsang sa paghanap ko ng mga sanhi, sa pagbibigay ko ng mga kuro at palagay ay inaari akong baliw ng aking mga kabiruang kasama.
ANG KILUSAN NG MGA MANGGAGAWA SA IBANG LUPAIN AT DITO SA ATIN
Sa pagnanais kong makaunawa ng mga kilusang lalong malalaki at mabibisa ay nagpumilit akong makabasa ng mga ilang aklat, gaya ng mga ulat ng kapisanan, kasaysayan nito at iba pa, at pamahayagang manggagawa na nangasusulat sa mga wikang kastila at ingles, at salamt sa tulong ng mga diksiyonaryo ng dalawang wikang yaon at sa bahagya ay nakilala ko kung ano ang diwa at kung paano ang pagsasagawa ng kanilang mga layon.
Ang mga ingles, ang mga amerikano, ang mga aleman at ang lahat halos ng mga manggagawa sa Europa ay may mga kapisanang natatatag na ang layon ay: (a) itatag ang ganap na pagkakapatiran; (b) itatag ang karapatan at kalayaang katutubo sa lahat ng mga manggagawa, gaya rin ng kanilang kapwa tao; (k) usigin ang ikapapaanyo ng kanilang katayuan; (d) itakda ang maikling oras ng paggawa; (e) ibatay ang pagpaparagdag ng sahod sang-ayon sa halaga ng mga kailangan; (g) maglagda ng mga paraang ikasasanay at ikatututo ng mga kaanib; at (h) maglaan ng dilang bagay na kailangan na makapagtatanggol sa harap ng kanilang pakikitunggali sa layon at sa ikaliligaya ng pamumuhay.
Sa ikatutupad ng mga sinundang layon ay binahagi ang pangangasiwa ng kanilang mga kapakanan sa isang pambansang kapisanan ng bawat magkakahanapbuhay na may mga balangay na nangatatatag sa mga bayan-bayan. Bawat estado o lalawigan, kung baga sa mga amerikano, ay may isang kalipunan ng mga kapisanang lalawigan, at bawat pambansang mga kapisanan ng magkakahanapbuhay ay may katungkulang sumapi at makibuo sa isa namang Kalipunan ng mga Pambansang Kapisanan ( nasyonal o internasyonal), gaya halimbawa ng Kalipunan ng Paggawa sa Amerika o American Federation of Labor, ng Confederation Generale du Pruvail sa Pransia, Holanda, Noruega, at iba pa, ng mga Congreso Obrero sa Inglaterra, Alemania, Swisa, Belhika, Kanada, Australia, at sa lahat ng bansa sa Europa, at ito namang mga kalipunang ito ang noong 1311 sa Budapest, Belhika, ay nagtatag ng isang Kalipunan ng mga Kalipunang Manggagawa sa iba’t ibang lupain na pinamagatang International Secretariat.
Ang mga kapisanang ingles ay may matitibay na katayuan; ang mga amerikano, lubha pa ang kapisanan ng mga manglilimbag, ay gayon din, at may bahay ampunan; ang mga aleman ay may mga tindahan at pagawaang malalaki, may sariling lapiang politiko na siyang sa ngayo’y maraming kinatawan sa Reichstag o Kapulungang Bayan. May mga sariling templo obrero sila na siyang kinapapalagyan ng kanilang mga tanggapan at pangasiwaan, siya nilang pinagdarausan ng mga pagpupulong, mga pagdiriwang, mga panayam at iba pang mga bagay na sa tuwina’y pinagliliming suliranin o kilusan. May mga kinatawan silang manggagawa sa mga Kapulungang Bayan: anopa’t ang kilusan nila roon ay tunay na nakaaalam at nakatutugon sa isang mabisang pagkilos na tungo sa ikapapaanyo ng lahat. Nasusukat nila, sa pamamagitan ng kapisanan, ang mga kaparaanang ikapagtatagumpay ng layon.
Sa harap ng dakilang pagkilos na ito sa ikapagbabangon ng matwid at ikatutubos ng Sangkatauhan, ang Pilipinas, itong bayan natin, ay nagnasang tumugon at sa pagtugong ito’y napatatag ang Union Obrera Democratica, ang Union del Trabajo; datapwa’t sa kasawiang palad, sa kasamaan ng pagkakataon ay nangaunsiyami, nangabigo at nangamatay, pagkatapos ng masidhing pagkilos. Natatag sa ibabaw ng mga kalansay niya ang mga kapisanan ng magkakahanapbuhay, at ang mga samahang abukuyan, na ang layon, bagamat sa ikagagaling ng manggagawa, ay dinaramdam kong sabihing hindi tumutugon ng ganap sa kilusang manggagawa sa ibang lupain.
Dito sa atin ay hindi nakilala, sapagkat hindi itinuro at isinagawa, ang bias ng pagbabawas ng oras ng paggawa, ang pagpaparagdag ng sahod, ang pagpapaanyo sa kalagayan ng mga manggagawa, ang pagpapatalino sa mga kaanib, sa pamamagitan ng kanilang kapisanan. Sukat na nga ang mga abuloy sa pagkakasakit, sa pagkatiwalag sa pagawaan, sa pagkasawi sa paggawa[1] at sa pagkamatay. Pinalaki ang manggagawa dito sa atin sa pag-asa sa mga abuloy at hindi itinuro ng mga nagsipagtaguyod, kung ano at kung paano ang pagdamay na ganap sa kanilang sari-sarili at sa kanilang kapwa at mga kahanapbuhay, kaya ngayon, bago mo mapaanib ang isa ay kailangan munang sabihin mong mababa ang kuota at malaki ang abuloy; mga bagay na sa talagang diwa ng isang kilusang tungo sa ikagagaling ng lahat, ay di gaanong binibigyang hakaga ang abuloy na ating tatamuhin, subali’y ang nililingap na unauna ay ang karapatan at kalayaang kailangang usigin upang tamuhin at magamit pagkatapos, ng lahat na nangangailangan noon.
HUWARAN NATIN ANG LALONG MABUTI
Sa harap ng dalawang uri ng kilusang manggagawa, ng sa mga taga-ibang lupain at dito sa atin, ay katungkulan natin ang mili ng isang lalong mabisa. Ang kilusang natin dito ay unsiyami, ang kanila roon ay malusog; ang mga nagagawa natin dito ay maliit samantalang sila roon ay malaki. Dito’y kakaunti ang sumasapi at nagigiliw sa kapisanan, doo’y marami at halos lahat ng mga manggagawa.
Naitatag nila roon ang karaniwang walong oras na paggawa sa maghapon, dito’y hindi natin alam kung bakit yaon ginagawa; napatataas nila ang mga sahod at naibabagay sa dami ng mga kahilingan, dito’y pawang naghihikahos tayo at di nakasusunod sa hiling ng mga sadyang kailangan; sila’y may mga bahay-ampunan ng mga matatanda, sawi o salanta at may sakit na kaanib, dito sa atin ay wala; malalaki ang kanilang abuloy, dito sa atin ay maliliit; sila’y may mga sangguniang tagapagturo, dito’y wala noon; sila’y may mga tatak (label) na ginagamit at ipinagagamit sa nagpapagawa na ang katutura’y iginagalang sila ng puhunan, kinakasama sila ng mabuti at tinatangkilik naman nila ang mga ito, hindi natin alam ang bagay na iyon pagka’t sinoma’y wala pang nagpapahiwatig sa atinl sa kabuuan, sila’y gumagawa at nakagagawa, kinikilala silang malaya, may karapatang katutubo, nakalalasap ng mga kapakinabangang bunga ng bagong kabihasnan at pagkakasuong sa pamamagitan ng kapisanan, samantalang dito sa atin ay hindi.
SA ANO ANG DAHIL
May lihim o wala ang kaibhang ito ng mga kilusan dito sa atin at sa ibang lupa? Ang nagdimula ng pagtatag ng mga kapisanan dito ay mga maginoo, mga abogado at doctor, mga marurunong na politico at mga makabayan at makamanggagawa. Ang simulaing kinatatatagan ng ating mga kapisanan ay di upang gumawa – sa tunay na gawa at hindi sa salita – ng ating ikalalaya at ikatutubos sa pagsamantala ng iilan, kungdi upang maitatag lamang ang pagkakaisa upang pagkatapos ay mag-abuluyan, at wala na, kaya’t sa katunayan, sa bawat sulok nitong kamaynilaan, sa bawat bayanbayan ng lalawigan natin ay mga samahang abuluyan lamang ang nangatatatag.
Ang marami sa mga manggagawa dito sa atin ay di pa nangakatatalos ng mga katutubong tungkulin at diwa ng mga kapisanang manggagawa, hindi pa niya nakikilala kung ano ang mga nagagawa nito kundi ang nakilala niya kaagad ay ang pagkawaldas ng kanyang salapi, paggamit sa kanya na parang isang kasangkapan sa pag-akyat sa matataas na tungkol at ang pagka-pangkat-pangkat sa maraming landas at pananalig.
Kung dito lamang sa atin ay nakilala kaagad, gaya nang pagkakilala ng mga kapatiran ng kanterong ingles, ng mga manglilimbag na pranses at amerikano, ng mga minerong aleman, sa bisa ng kapisanang magkaka-hanapbuhay disi’y nasa dako pa roon tayo ng ating hangganang inaasahang aabutin. Ngayon sana’y nakalalasap na tayo ng bungang hinog ng ating pagpapagod, nalaman na natin disin kung ano ang ating mga karapatan at tungkulin sa harap ng kabihasnan at pagkakasulong na ating tinatawid.
KUNG ANO ANG KAHULUGAN NG MALIIT NA SAHOD
Sa maningning na araw ng Siglo XX, na ang lahat ng pagkakataon, ay wala nang malalabi sa bawat gunita kungdi ang mag-angkin ng katalinuhan, magkaroon ng isang kaalamang ganap, sa pamumuhay niyang sarili at sa kanyang pagka-mamamayan. Araw ngayon ng pagbabagong anyo at diwa, ng pagpapasigla at pakikibagay sa kabihasnan at pagkakasulong, alalaong baga’y pagkakataon ito ng pagbabagong buhay.
Katungkulan natin ang magbasa ng mga aklat at pamahayagang kinapapalamanan ng mga bagong balita at pangyayari sa buong sinukob: kailangan nating makatalos ng dilang bagay na makapagbibigay nang pakinabang sa atin: ang maaliwalas na tahanan, ang malakas na katawan at di takaw sakit, ang manamit ng malinis at maayos, kumain ng busog at masagana, ang mag-ayos ng tahanan, ang bumihis at umaliw sa mga asawa at bunso na ating pinakakain ay isang tungkuling hindi dapat kaligtaan, isang katungkulang sinasagot natin sa harap ng ating pakikipagkapwa at pakikipamuhay sa gitna ng sangkatauhan.
Nasaan ang ating ikasusunod? – ang maitatanong ninyo marahil sa akin, at ako sa ganang sarili ay sasagot sa inyo ng wala nga!... Ngunit isang tanong naman sa inyo: Maaatim baga ninyong kayo’y tumahan sa isang dampang tahanan ng sakit, huwag kumain ng busog at masagana, pabayaan ang mga asawang lumakad sa daan na walang baro at nanglilimahid na parang alipin; matitiis baga ninyong ang ating mga bunso ay mamatay sa walang gamot at manggagamot, o lumaki ng mangmang, parating nanglilimahid; matatanggap baga ninyong tayo’y tawaging mababa na ang kahulugan ay mangmang, dungo at taong walang kinalaman sa kanyang bayan at pagkatao? at kaipala’y sasagutin ninyo akong “wala tayong magagawa”, tayo’y mga anak sa karalitaan, maliliit ang ating sahod. At kung ito nga ang ating isasagot ay maipagpapauna ko na sa inyong tayo’y walang kapararakan, hindi tayo maaasahang tumulong sa pagbabangon ng isang bayang malaya, umiibig at nagmamahal sa buhay at sumusunod sa atas ng kabihasnan at pagkakasulong.
KUNG PAANO ANG PAGPAPARAGDAG NG SAHOD
Dito sa mga sanhing ito kailangan ang kapisanan. Kung tayo sa ating sarili ay walang magagawa, huwag tayong magpabaya, at humanap tayo ng makakatulong.
Ang kapisanan ay itinatag at itinatatag upang tumulong sa mga nangangailangan. Kung tayo’y walang magawang dahil sa ikararagdag ng ating sahod, ang kapisanan ay makagagawa noon; kung nais nating mapaanyo ang ating kalagayan, masunod ang mga kailangang sundin, humingi tayo sa kapisanang makapagbibigay noon. Isang halimbawa, ang gugol ng isang mag-anak ay piso araw-araw na labas ang mga damit, ang bigas, ang pagliliwaliw, ang pangbili ng mga pamahayagan at aklat, ang panghulog sa kapisanan, katungkulan natin ang huminging bayaran ang ating paggawa ng isang halagang makatutumbas sa ating mga gugulin at kailangan. Ang mga mamumuhunan, mga kasama, bago ipagbili ang kanilang kalakal ay tinataya muna ang halagang dapat pagbilhan noon: inaawas ang kalugihan sa pagkakaimbak, ang upa sa bahay, sa tubig, ang sa telepono, sa ilaw, sa lapis, tinta at papel, ang bayad sa manggagawa at sa lahat ng lalong maliliit na kailangan, bukod pa sa rito’y pinapatungan pa ng malaking pakinabang, kaya’t sa ganitong paraan ay lumago ang kalakal, ang mga pagawaan ay umunglad at nangagibayo ng laki, ang mamumuhunan ay nagtamasa sa salapi ng higit sa ibang linalang.
Bakit tayong mga manggagawa na siyang bisig na nagpapagalaw noon, siyang nagbibigay buhay ay mamamalagi sa kadiliman ng gabi, walang liwanag, walang karapatan, nagdaralita at pataygutom at uhaw sa giti ng kaligayahan? May karapatan tayo o wala na humingi at magbili sa ating pagod ng higit o katumbas man lamang ng ating mga gugol sa araw-araw? Katungkulan nila ang magbigay ng halaga sa kanilang kalakal; katungkulan naman natin ang maghalaga sa ating kapagalan. Na ang puhunan ay maaaring gumawa nito pagkat sila’y may salapi at tayo’y hindi pagkat mahina at wala noon? May kasaysayan baga ang katawang walang bisig, ang ulong walang utak, ang pusong walang dugo, at ang isang bagay na may hininga’y walang buhay? Ganyan ang salapi, ganyan ang mga makina, ganyan ang mga pagawaan. Samantalang tayo, kung tayo’y nagbubuklod sa silong ng isang layon at ng isang kapisanan, wala man tayong salapi, tayo ay didinggin at pagpipitaganan.
ANG MAIKLING ORAS NG PAGGAWA
Ang mga kapisanan ng magkaka-hanapbuhay sa ibang lupain mula sa kanilang pagkakatatag ay wala nang pinag-aksayahan ng mahabang panahon sa pakikitunggali, kungdi ang pagpapaikli ng oras na igagawa. Kung bakit? Ang kasaysayan nito’y lubhang napakahaban kung sasalaysayin. Sukat na ang ilang pinakapangulong diwa upang huwag naman akong palawig at ng inyong kayamutan. Sa paglingap ng kapisanan sa buhay ng kanyang mga kasapi ay itinadhana ang pagtatatag ng ganitong batayan: “Walong oras na paggawa, walong oras na pagpapahinga at walong oras sa ibang naisin” na siyang kabuuan ng 24 na oras o isang araw.
Ang batayang ito, palibhasa’y isang batayang nagbibigay ng panahon sa mga gumagamit, kaya ang bawat matutong sumunod ay nagtatamo ng kapakinabangan. Dito’y itinatakda ang pagpapahingalay upang mabawi ang lakas na naubos; binibigyan ng panahon ang pag-iisip upang tumuklas at lumikha ng dilang bagay na sumasalilong sa iniaatas ng moral. Maliwanag na nagbibigay-buhay sa matwid at sa katauhan.
Dapat unawaing sa pagtatatag ng maikling oras na paggawa, ang lahat ay binibigyang kapakinabangan.
Ipaghalimbawa natin sa isang pagawaan ay may dalawampu’t apat kataong gumagawa sa tagal na sampung oras sa maghapon; kung ang tagal sa sampung oras ay gagawin nating walo ay ilan kayang oras ang ating matitipid sa maghapong singkad? Dalawampu’t apat na makalawa ay apatnapu’t walo; bahaginin natin sa walong oras na katimbang ng maghapon, lalabas ay anim, samakatwid, anim na tao ang mapapakinabangan, anim na anak ang maililigtas sa gutom, anim na lalaki ang bubuhayin at anim na anak ang bibihisan. Hindi baga ito isang katungkulang itinuturo ng dakilang asal o moral?
Sasabihing di malulugi ang puhunan, di mababawasan ng mga sahod, at kung gayon, ay lalong hihirap ang gawain, lalong mamamahal ang bibilhin? Ganyan nga ang palagay ng mga kunwang ekonomista, ganyan nga ang sasabihin ng mamumuhunan; datapwat kung ipaliliwanag nating ang anim na tao bagang mapagawa ay di anim na makararagdag sa mga gawain, anim na mararagdag sa mga anak na gumuguol dahil sa anim na makatutugon sa lahat ng mga kailangan. Anim na maragdag sa yari ng 24 ay isang karagdagan sa yari ng puhnan at anim na maragdag sa mga gumugugol ay anim na malaki ang magagawang tulong sa pagkapaunlad ng kalakal.
ANG “HYGIENE” O KALINISAN
Ang bayang umiibig at nagnanais ng ikapapaanyo ng sangkatauhan ay bayang may pagkakasulong. Iya’y isang katotohanang hindi mababali; isang bigkas iyang katutubo sa lahat ng mabubuti at mararangal na tao; isang simulain iyan ng ating mga kapisanan ng magkaka-hanapbuhay. Ang paglingap sa katauhan ay di lamang ang paglingap sa sarili, sa anak, kungdi sa bayan, sa lahat; at ang pag-ibig na iyan upang maisagawa ay kailangan ang mag-angkin ng isang karaniwang pag-iisip.
Dito sa atin sang-ayon sa mga ulat ng ating mga manggagamot at sa ulat ng Kagawaran ng Sanidad ay lubhang napakarami ang bilang ng mga batang nagkakamatay kaysa ibang bansa sa sangsinukob. Marami dito sa atin ang bilang ng mga namamatay sa tisis; ang mga sinasawi ng mga sakit na kolera, peste bubonica, lepra o ketong ay gayundin. Ang mga sakit na iyan ay sa maraming bagay nagbubuhat: sa kawalan ng linis, sa kawalan ng mabubuting pagkain, sa kasamaan ng tahanan at sa di kaalamang gumawa ng mga pangsugpo noon.
Ang mga tahanan natin ay alipin ng mga sakit, ang mga pagawaan natin – ang marami – ay pawang marurumi, hindi sinisilayan ng katutubong liwanag, hindi inaabot ng dalisay na hangin. Ang mga pagkain nating nakakayang bilhin ay hindi sagana at hindi lubhang nakapagpapalusog (nutritivo); hindi tayo nakasusunod sa iniaatas ng pagbibihis ng malinis; hindi natin mabusog ng sagana ang ating kaalaman; bihira sa atin ang kumakain ng nakakubyertos; madalang sa atin ang nakakulambo kung matulog; ang nagpapagamot ay madalang, at kung nagpapagamot naman tayo, ay magsabi ang mga manggagamot! kungdi kung kailan na lamang tayo’y talamak sa sakit. Sahol tayo sa tiyakang sabi, sa pagsunod sa tinatawag na kalinisan at pag-aalaga sa ating katawan.
Ngayo’y isang tanong: Ang bayan bagang may pagkakasulong, umiibig sa kalinisan, umiilag sa sakit at nagliligtas sa katauhan ay makaaatim sa lahat ng ito?
Sino man sa atin, gaya ng aking hinagap, ay di makatitiis, hindi iibigin ninoman ang kanyang ikapapariwara, at dahil ito ay tungkulin natin, ng una sa lahat ang sumugpo sa lahat ng ito; kailangan natin ang magligtas sa ikasasawi ng ating mga kapatid, sapagkat dapat nating tantuing tayo’y inianak upang mabuhay at bumuhay, ng upang buhayin naman pagkatapos, alalaong baga’y hindi tayo mabubuhay ng wala tayong pakikipamuhayan, mga sanhing siyang nagdudulot sa tao ng matataas na kuro at ng mga isipang tungo sa isang dalisay na kabihasnan.
ANG KAPISANAN LAMANG ANG TANGING MAKAGAGAWA NG ATING IKAGAGALING
Ang mga kapisanang manggagawa, gaya ng nasabi ko sa una, ay itinatag at itinatatag upang magbigay ng mga kapakinabanagan sa atin. Siya’y nakapaglalagda ng mga batayang sang-ayon sa ating ikapapaanyo; nakapagtatanggol siya sa mga naaapi, sa oras ng pangangailangan; nakapagbibigay siya ng buhay at kaligayahan sa mga anak na sahol; nakapagbibigay siya ng isang hinaharap sa maayos at payapa; nakapagdudulot siya ng maraming bagay na tugon sa isang masamang simulain, “na ang isa’y para sa lahat at ang lahat ay para sa isa: ng pagdadamayan, sa madaling sabi.
Datapwa’t ang isang bagay na di natin dapat kaligtaan ay ang pagbuhay sa kapisanang iyan kung paano. Ang anak ay siyang simula ng mga samahan, ang samahan ay siyang simula ng mga bayan, at ang bayan ang siyang simula ng mga pamahalaan. Upang maging maayos at maligaya ang mag-anak ay kailangan ang isang magulang na, bumubuhay at binubuhay naman ng kanyang anak na nasasakupan; ang bayan, upang matawag na ganito na nga ay kung mayroong isang pamahalaang nagtataguyod, nag-uutos, pinag-uutusan at sinusunod. Alin man sa ama ng isang anak, o ng anak sa isang ama, o ng pamahalaan sa isang bayan at ng samahan sa isang pamahalaan, ang hindi kikilos ng tungo sa kanilang ikagagaling ay walang mangyayari kungdi ang masawi at magkawatak-watak, ang mapanganyaya ang dilang mga kapakanang kinakailangang kandilihin ng bawat isa, yamang ang angkitin ng bawat isa’y angkiting para sa kanilang ikapapaanyo at ikagagaling din. Ang isang mag-anak ay binubuhay at kinakandili ng isang magulang, datapwa’t ang magulang namang ito, huwag na ang maglagda pa ng mg autos, kungdi ng mabuting akala na lamang, ay kailangang buhayin at kandilihin naman ng kanyang mga anak. Ang pamahalaang nagpapalakas sa dilang kapakanan ng isang bansa o bayan, iyang pamahalaang handa sa lahat ng pagkakataon sa ikapagtatanggol ng kapayapaan ng kanyang bayan o bansang nasasakop, ay nakikita nating hindi mabubuhay ng maayos at matatag kung ang mga nasasakupa’y hindi tumutulong sa kanyang ikapapaanyo at di sumusunod. Ganyan din ang mga samahan ng magkaka-hanapbuhay, ibigin man niya ang lahat ng ating ikagiginhawa, gaya ng kanyang pagkaibig na matupad ang ikapapaanyo ng lahat na ating ninanais at kung ito ang hindi kikilos, magwawalang bahala at magpapaanod, hindi tutulong at maghihintay na lamang ng dating, ay mawiwika ko sa inyong wala ring masasapit. Hindi disin natupad ang mga layong ngayo’y pinagkakautangan ng mga bansang bihasa, ng mga pamahalaang lalong malalaki at malilinis, na uliran ng kabihasnan at pagkasulong, ang kalayaang doo’y kinikilala, ginagamit at ipinagkakapuri ng lahat; hindi disin naiguho ang matataas na trono ng mga hari at hari-harian; ang mga maginoo disin na siyang tanging may-ari ng lahat, ng mga maralita, ng mga bukiring tinatamnan nito, ng mga kayamanang bunga ng pagpapatulo ng pawis ng mga abang alipin, ay patuloy pa ngayon sa pagpapasasa sa pagod ng may pagod, sa hanap ng may hanap, sa buhay ng may buhay; alipin pa disin tayong lahat!...
Ang araw sa atin ay dumating at nakilala na natin kung ano ang isang kapisanan, kung ano ang layon nito at kung paano ito nabubuhay. Wala nang nalalabi sa atin kungdi ang tumulong sa kanya at magbigay-buhay. Isang tungkuling una sa lahat, ng higit sa mga pagdalangin sa langit na pipi at di dumidirinig sa kaluwalhatiang hindi hinihingi kungdi hinahanap at ginagawa at sa kayamanang niyayari ng pagsasandugo sa ibabaw ng matwid, ang pakikisama sa sinapupunan ng ating mga kapisanan, yamang ito’y ang sa malao’t madali’y siyang tanging makapagliligtas sa atin sa marawal na kalagayang ating tinatawid.

Walang mga komento: