Linggo, Marso 18, 2012

Ang Komyun ng Paris - Unang Gobyerno ng Manggagawa

Komyun ng Paris (Marso 18 - Mayo 21, 1871)

UNANG GOBYERNO NG URING MANGGAGAWA

ni Gregorio V. Bituin Jr.


Dalawang buwan lamang ang itinagal ng Komyun ng Paris, ang itinuturing na unang gobyernong pinamahalaan ng mga manggagawa, ngunit ang kasaysayan nito'y hindi matatawaran.


Sa loob ng dalawang buwang iyon na pinangunahan ng mga manggagawang kababaihan ng Paris, pinamahalaan ng mga manggagawa ang bagong anyo ng lipunan, ang lipunan ng uring manggagawa. Ngunit nakabalik ang pwersa ng burgesya, at tatlumpung libong (30,000) manggagawa ang minasaker ng tropa ng gobyernong pinamamahalaan ni Adolpe Thiers. Nagbubo ng dugo ang mga manggagawa ng Paris ngunit ang kanilang ginawa'y nagmarka na sa kasaysayan ng uring manggagawa sa daigdig. Sa akdang The Civil War in France (1871) ni Karl Marx, kanyang isinulat na ang Komyun ng Paris ang “the finally discovered political form under which the economic emancipation of labor could take place” (nadiskubre na ang isang pormang pulitikal kung saan ang pang-ekonomyang kaligtasan ng paggawa ay maaari nang maganap.)


Kalagayan ng Pransya bago ang Komyun ng Paris


Nasa gitna ng digmaan ang Pransya laban sa bansang Prussia (na Germany ngayon) na pinamumunuan ni Otto von Bismarck. Ang digmaang ito, na kilalang Franco-Prussian war ng 1870-71, ay digmaan sa pagitan ng Ikalawang Imperyong Pranses at ng Kaharian ng Prussia.


Nasakop na ng Prussian Army ang Paris, ngunit hindi nakipagmabutihan ang mga manggagawa ng Paris sa mga sundalo ng Prusya. Bumagsak ang Paris sa kamay ng Prussian Army noong Enero 28, 1871. Nagkaroon ng halalan sa Pransya noong Pebrero 8, 1871, na di alam ng mayorya ng populasyon; Pebrero 12 nang maitayo ang bagong Pambansang Asambleya; Pebrero 16 nahalal si Adolphe Thiers bilang punong ehekutibo ng Pransya; Pebrero 26 nang nilagdaan sa Versailles nina Thiers at Jules Favre ng Pransya, at ni Otto von Bismarck ng Germany, ang isang preliminary peace treaty sa pagitan ng France at Germany. Isinuko ng France ang Alsace at East Lorraine sa Germany, at nagbayad sila ng bayad-pinsalang nagkakahalaga ng 5Bilyong Francs. Unti-unting aalis ang German army pag naibigay na ang kinakailangang bayad-pinsala. Mayo 10, 1871 nang nilagdaan ang final peace treaty sa Frankfort-on-Main.


Noong Marso 1871, kumalas na sa pamumuno ni Thiers ang Pambansang Gwardya at sumama na sa mga manggagawa ng Paris, at itinayo ang isang Komite Sentral. Inilagay naman ni Thiers kanyang pamahalaan sa Versailles noong Marso 20.


Ang Komyun ng Paris


Noong Marso 18, 1871, sa permiso ng Prussia, pinadala ni Thiers ang hukbong Pranses upang kumpiskahin ang mga nagkalat na armas sa Paris na hawak ng mga manggagawa upang tiyaking hindi na lalaban ang mga manggagawa ng Paris sa hukbo ng Prusya. Balak dalhin ni Theirs ang mga makukumpiskang armas sa Versailles. Ngunit tinanggihan ito ng mga manggagawa. Pagdating pa lang ng umaga, hinarangan na ng mga manggagawang kababaihan ang pagdating ng hukbong Pranses na inatasan ni Thiers na nagtangkang kumpiskahin ang mga kanyon at iba pang armas. Hanggang sa magdatingan na ang taumbayan at pinalayas ang hukbong Pranses.


Kahit na inatasan ni Thiers, di sumunod ang mga sundalo sa atas nitong pagbabarilin ang mga tao. Sina Heneral Claude Martin Lecomte at Heneral Jacques Leonard Clement Thomas ay pinaslang ng kanilang sariling mga tauhan. Apat na ulit inatas ng araw na iyon ni Heneral Lecomte na pagbabarilin ang mga tao, at pinakita naman ni Heneral Thomas ang kanyang brutalidad at pagkareaksyunaryo, at nahuli pa siyang nag-eespiya sa barikadang itinirik ng mga tao. Nag-alisan na rin ang maraming tropang sundalo habang may ilang natira sa Paris. Dahil dito'y nagalit si Thiers, at nagsimula na ang Digmaang Sibil sa Pransya.


Nang sumunod na araw, Marso 19, 1871, nagising ang mamamayan ng Paris sa kanilang kalayaan, at masaya nilang tinanggap ang natamong kalayaan. Ang tanging namamahala na rito ay ang Komite Sentral ng Pambansang Gwardya, na binubuo ng mga matatapat na tao, na hindi mga pulitiko, at ng mga manggagawa ng Paris. Marso 23, 1871, nagpahayag ang International Workingmen’s Association at Federal Council of Parisian Sections ng pagkakaisa at panawagang magkaroon ng halalan sa Marso 26, habang ipinapana-wagan ang ganap na paglaya ng mga manggagawa, at matiyak ang ganap na halaga ng kanilang lakas-paggawa. Tinawag nila ang Komyun ng Paris na isang Rebolusyong Komyunal.


Noong Marso 26, 1871, inihalal ng mamamayan ng Paris ang konsehong tinawag na nilang Komyun ng Paris, na binubuo ng mga manggagawa, kasama ang mga kasapi ng Unang Internasyunal. Ipinroklama ang Komyun ng Paris noong Marso 28, 1871, kaya umani ang mga manggagawa ng Paris ng mabilis at malawak na suporta sa buong Pransya. Direktang kalahok sa pag-aalsang manggagawa ang mga lider ng internasyunal na kilusang manggagawa. Sa araw ding iyon ay umalis na sa pwesto ang Komite Sentral ng Pambansang Gwardya nang isinabatas nito ang paglalansag sa "Morality Police".


Marso 30 nang nilansag ng Komyun ang sapilitang pagpapalingkod sa hukbo at ang mismong hukbo; ang tanging armadong hukbo lamang ay ang Pambansang Gwardya. Kinumpirma na rin ang pagkakahalal sa Komyun ng mga dayuhan, dahil "ang bandila ng Komyun ang bandila ng Daigdigang Republika". Idineklara naman noong Abril 1 na lahat ng kasapi ng Komyun ay tatanggap lamang ng kaparehong sweldo ng manggagawa, maging ito'y nasa pamahalaan o karaniwang manggagawa.


Ipinahayag din ng Komyun ang paghihiwalay ng simbahan at ng gobyerno, at ang pagpawi ng lahat ng kabayaran ng gobyerno para sa layuning pangrelihiyon, pati na ang transpormasyon ng lahat ng pag-aari ng simbahan upang gawing pambansang pag-aari. Idineklara ang relihiyon bilang pribadong bagay na lamang.


Nagsagawa rin ang Komyun ng isang kautusan upang di barilin ng gobyernong Pranses ang mga kasapi ng Komyun. Sa kautusang ito, lahat ng mga taong mapapatunayang nakikipag-ugnayan sa gobyernong Pranses ay ituturing na bihag o hostages. Ngunit di ito naisagawa. Isang guillotine, o pamarusahang pamugot ng ulo ng nasentensyahan ng kamatayan, ang inilabas ng ika-137 batalyon ng Pambansang Gwardya, at sinunog sa harap ng taumbayan, na ikinasiya ng marami. Isa pang kautusang ipinatupad ng Komyun ang pagtanggal sa lahat ng paaralan ng lahat ng simbolong relihiyoso, litrato, dogma, dasal, at "lahat ng nasa ispero ng indibidwal na budhi". Agad itong ipinatupad.


Upang madurog ang Komyun, nagpasaklolo si Thiers kay Bismark upang gamitin sa Versailles Army ang mga binihag na hukbong Pranses na sumuko sa Sedan at Metz. Kapalit ng 5Bilyong Francs na bayad-pinsala, sumang-ayon si Bismarck. Kaya nilusob na ng hukbo ni Thiers ang Paris.


Umatras ang mga umatakeng tropa ni Thiers sa katimugang Paris nang malagasan sila ng maraming tauhan.


Abril 16, ipinahayag ng Komyun ang pagpapaliban sa lahat ng utang sa loob ng tatlong taon at pagpawi ng interes sa mga ito. Nag-atas din ang Komyun ng pagtatala ng lahat ng mga pabrikang isinara ng mga kapitalista at nagsagawa sila ng plano kung paano ito patatakbuhin ng mga manggagawang dating nagtatrabaho sa mga ito, na kanilang oorganisahin sa mga kooperatibang samahan, at planong pag-oorganisa ng lahat ng kooperatibang ito sa iisang unyon.


Tinanggal ng Komyun ang panggabing trabaho ng mga panadero, pati na mga registration card ng manggagawa, na inisyu ng Ikalawang Imperyo. Itinatag ng Komyun ang walong-oras ng trabaho bawat araw. Binuksan nila ang mga nakasarang pabrika, nagsagawa ng bagong patakaran sa pasahod at kontrata, at nagtayo ng konseho ng manggagawa sa mga pabrika. Binigyan ng tamang pasahod ang mga manggagawang delikado ang trabaho. Tinanggal ang mga multa sa manggagawa na nagkakamali.


Abril 30, inatas ng Komyun ang pagsasara ng mga sanglaan (pawnshops) sa batayang ang mga ito'y pribadong pagsasamantala sa paggawa, na balintuna sa karapatan ng mga manggagawa sa kanilang kasangkapan sa paggawa.


Mayo 10, 1871, nilagdaan ang Treaty of Frankfurt, isang tratadong pangkapayapaan bilang pagwawakas ng Franco-Prussian War.


Mayo 17, 1871 ng gabi, ipinatawag ang pulong ng Central Committee of the Union of Women, upang organisahin ang mga delegadong dadalo sa pagtatayo ng isang “federal chamber of workingwomen”.


Pagkadurog ng Komyun


Mayo 21, 1871, nakapasok ang tropa ng Versailles sa Paris. Ginugol ng French army ang walong araw hanggang Mayo 28 sa pagmasaker sa mga manggagawa, pinagbabaril ang mga sibilyang makita. Ang operasyong iyon ay pinangunahan ni Marchal MacMahon, na sa kalaunan ay naging pangulo ng Pransya. Tatlumpung librong Communards, manggagawa at mga walang armas na sibilyan at mga bata ang pinagpapatay; 38,000 ang ibinilanggo, at 7,000 ang sapilitang ipinatapon sa ibang bansa.


Saan nga ba nagkulang ang mga lumahok sa Komyun ng Paris? Bakit ito nadurog sa loob ng dalawang buwan lamang? Maraming mga ibinigay na rason ang mga nakasaksi noon.


Una, may kakulangan sa paghahanda ang mga manggagawa upang depensahan ang Komyun kung sakaling magkaroon ng paglusob sa lungsod, bagamat may ilang mga barikadang naitayo. Ikalawa, mas inuna nito ang pagtatatag ng mas maayos na hustisya sa buong Paris, imbes na durugin muna ang mga kaaway nito, lalo na ang tropa ni Thiers, upang di na muling makabalik sa kapangyarihan. Dapat ay naglunsad na sila ng opensiba laban sa hukbo ni Thiers na nasa Versailles upang di na ito magkaroon pa ng panahong makabawi.


Ayon kay Marx, "Ang Komyun ng Paris, sa esensya, ay isang gobyerno ng uring manggagawa. Ang hukbo ng gobyerno ay pinalitan ng armadong mamamayan, ang kapangyarihan ng lehislatibo at ehekutibo ay hinawakan ng mga kinatawan ng manggagawa, na hinalal, may pananagutan at maaaring tanggalin anumang oras, at ang sahod para sa lahat ng opisyal na gawain sa pamahalaan ay kapantay ng sahod ng karaniwang manggagawa."


Para kay Lenin, hindi nasyunalismo kundi internasyunalismo ang ipinakita ng Komyun ng Paris. Ani Lenin, mahalaga ang paghihiwalay ng kaisipang nasyunalismo sa uring manggagawa: "Hayaan nyo ang burgesya sa pananagutan nito sa pambansang humilyasyon - ang tungkulin ng manggagawa ay pakikibaka para sa sosyalistang paglaya ng paggawa." Idinagdag pa ni Lenin, "Ispontanyo ang pagkakatatag ng Komyun. Noong una, ito'y isang kilusang may kalituhan. Ngunit nagkahiwa-hiwalay na ang mga uri sa takbo ng mga pangyayari. At tanging mga manggagawa lamang ang nanatiling matapat sa Komyun hanggang sa huli."


Mga Tampok na Isinagawa ng Komyun


Ang Komyun ng Paris, bagamat sa loob lamang ng Pransya, ay hindi isang makabayang pakikibaka. Ito'y isang makauring pakikibaka ng manggagawa laban sa burgesya, laban sa kapitalismo, laban sa kapital. Ang Komyun ng Paris ay isang makasaysayang paglaban ng mga manggagawa ng Paris, isang pagsulong tungo sa pandaigdigang rebolusyon ng manggagawa, isang pagtatangkang wasakin ang burgis na makinarya ng gobyerno, at ito rin ang siyang dapat pumalit sa makinarya ng estado.


Ang Komyun ang unang tangka ng proletaryong rebolusyon na wasakin ang burges na makinaryang estado at ito rin ang siyang dapat pumalit sa winasak na makinaryang estado. Ang mga tampok at mahahalagang hakbang na ipinatupad ng Komyun ay ang mga sumusunod:


a. Pagbuwag ng regular na hukbong militar at pagtatayo kapalit nito ng armadong mamamayan.


b. Pagtatakda na ang lahat ng opisyales ay ihahalal subalit maaaring alisin sa pwesto anumang oras.


c. Pagtatanggal ng lahat ng pribilehiyo at pagbawas ng pasahod o alawans sa lahat ng naglilingkod sa estado upang ipantay sa antas ng pasahod sa mga manggagawa.


d. Ang pagwasak sa pulitika’t parlyamentaryo ng burgesya, mula sa isang talking shop ay naging isang working institution, isang institusyon ng paghaharing sabay na gumagampan ng gawaing ehekutibo at lehislatibo.


e. Ang organisasyon ng pambansang pagkakaisa. Itinayo ang mga Komyun hanggang sa antas ng pinakamaliit na komunidad. Isinentralisa ang mga Komyun sa isang sentralisadong kapangyarihan, upang ganap na wasakin ang paglaban ng mga kapitalista at ipatupad ang paglilipat ng pribadong ari-arian — pabrika, mga lupain, at iba pa — sa kamay ng buong bayan.


Mga Aral


Sa pagkadurog ng Komyun, maraming aral ang idinulot nito sa atin:


a. Hindi sapat ang pagkubkob lamang sa mga makinarya ng estado upang gamitin ng mga manggagawa, kundi ang buong estado'y dapat tuluyang wasakin upang di na makabalik pa ang burgesyang pinalitan ng Komyun. Dapat tiyakin ng Komyun kung paano mapoprotektahan nito ang kanyang sarili mula sa kanyang mga kaaway.


b. Kailangan ng maagap na pagdedesisyon kung paanong di na makakabalik at makakaporma pa ang burgesya. Maraming oportunidad ang Komyun para madurog ang mahinang pwersa ng gobyerno sa Versailles, ngunit dahil hindi maagap na nakapagdesisyon dito, sila’y binalikan at agad na dinurog.


c. Dapat maitaas pa ang kamalayang makauri ng mga manggagawa upang maitayo nila ang sarili nilang lipunan.


d. Ang pag-aalinlangan ng Komyun na tuluyang durugin ang banta ng kaaway ay nagbigay pa ng panahon sa burgesya upang muling maorganisa (regroup), magpalakas ng pwersa, at makipag-kasundo sa mga Prussians. Masyado pang mabait ang mga manggagawa sa mga kapitalista’t burgesya.


e. Kailangan ng Komyun ng isang rebolusyonaryo, sosyalistang partido na magtitiyak ng tagumpay nito hanggang sa transisyon patungong sosyalismo.


f. Dapat kinumpiska agad ng mga manggagawa ang mga bangko, lalo na ang Bank of France, na siyang sentro ng kapitalistang yaman, na siyang ginamit ng kapitalista laban sa Komyun. Dapat isentralisa sa Komyun ang mga bangko upang tustusan ang rebolusyon.


g. Dapat nakagawa ng paraan ang mga manggagawa upang maging alyado ang mga pesante. Dahil ang mga pesante ang ginamit ng burgesya at ng hukbo ni Thiers upang durugin ang Komyun.


Ang Diktadurya ng Proletaryado


Sa karanasan ng Komyun ng Paris hinalaw ni Marx ang teorya ng diktadurya ng proletaryado. Ito ang papalit sa diktadurya ng burgesya o kapitalistang estado. Ang diktadurya ng proletaryado ay isang sosyalistang lipunang pinamu-munuan ng uring manggagawa, o proletaryado.


Kongklusyon:


Ang Komyun ng Paris ang isa sa pinakadakila at inspiradong yugto sa kasaysayan ng uring manggagawa. Pinalitan ng mga manggagawa ng Paris ang kapitalistang estado ng sarili nilang gobyerno at tinanganan nila ang kapangyarihang ito ng dalawang buwan. Nagsikap ang mga manggagawa ng Pransya, sa kabila ng mga kahirapan, na wakasan na ang mga pagsasamantala at pambubusabos ng lipunan, at maitayo ang isang lipunan sa isang bagong batayan at pamantayan. Ang mga aral nito’y nagtiyak ng tagumpay ng Rebolusyong 1917 sa Rusya na pinangunahan ni V. I. Lenin, at naitayo ang isang Unyon ng Sobyet (konseho) na binubuo ng manggagawa.


Ang dakilang aral ng Komyun ng Paris ay isang malaking hamon sa uring manggagawa sa kasalukuyang panahon. Kailangan natin ng mas mataas na antas ng daigdigang pagkakaisa at mas matalas na kamalayang makauri upang matiyak na maipapanalo natin ang lipunang sosyalismong ating hinahangad para sa ating kagalingan at ng mga susunod pang henerasyon ng manggagawa.


Mga Sanggunian:


(a) The Civil War in France, Marso-Mayo 1871, Karl Marx; (b) Introduction on The Civil War in France, by Frederick Engels, 1891; (c) Lessons of the Paris Commune, Leon Trostky, Pebrero, 1921; (d) History of the Paris Commune, Prosper Olivier Lissagaray, 1876

Walang komento: