Marso 8: Araw ng kababaihan, Araw ng paglaya!
ni Teody Navea
Ang halaga ng araw ng Marso 8 ay singhalaga ng araw ng Mayo Uno sa hanay ng kababaihan. Matagal nang panahon na di nakakaalpas ang sektor ng kababaihan sa patuloy nitong dinaranas na kaapihan at pagsasamantala. Mangyaring gawin nating krusada ang araw na ito upang imulat ang malawak na bilang ng kababaihan sa tunay na diwa ng okasyong ito di lamang sa ating bansa kundi maging sa buong daigdig.
Ang sektor ng kababaihan sa Pilipinas ay masahol pa ang kalagayan, dahil bukod sa ito’y nabibilang sa mahihirap na bansa ay patuloy pang kinukunsinti ng isang sistemang imbes kakandili sa kanyang interes ay lalo pang nagsasadlak sa kanya sa matinding kaapihan at kahirapan. Patong-patong na dagan ang kanyang dinadala resulta ng samu’t saring isyu’t problema dulot ng kabulukan ng sistemang kapital kung saan ang sektor ng kababaihan ay niyuyurakan ang karapatan at hindi naipagkakaloob ang tunay na interes at kagalingan nito.
Sa gitna ng matinding krisis na kinakaharap ng bansa, ang sektor ng kababaihan ay lalo pang nalulugmok sa kahirapan at kaapihan. Kung kaya’t ang marapat na papel ng sektor ng kababaihan ay patuloy na isulong nito ang kanyang laban upang tuluyang mapawi na ang tunay na ugat ng pagsasamantala. Isang lipunang mangangalaga sa kanyang mga karapatan at kagalingan maging ang mga pangkabuuang serbisyo at proteksiyon bilang sektor ng kababaihan.
Kung gusto nating maunawaan ang mga mahahalagang isyung kinakaharap ng sektor ng kababaihan, ating ilalatag ang mga puntong kailangan nating ipanawagan upang maisakongkreto ang mga kahilingan nito.
Una, ang mga kababaihan ay marapat mapagkalooban ng disente at marangal na trabaho.
Dumarami ang mga kababaihan sa puwersa sa paggawa dahil sa ”flexibilization of labor”. Malaganap ang kontraktwalisasyon kung saan ang sektor ng kababaihan ang siyang napupuruhan. Nagagamit ng mga kapitalista upang lalo pang pagsamantalahan ang kanilang hanay.
Ikalawa, ang mga kababaihan ay patuloy ang dinaranas na kawalang proteksyon at panlipunang serbisyo.
Ang ating bansa ay nahuhuli kung usaping proteksyon ng kababaihan ang pag-uusapan. Ang marapat na pagpapasa ng isang panukalang batas para sa kanyang mga karapatan at kagalingan ay nauunsiyami. Mahigit isang dekada na ang RH Bill sa kongreso ngunit ito’y hindi maipasa hanggang sa kasalukuyan.
Ikatlo, pasan-pasan ng mga kababaihan ang hagupit ng patuloy na pagtaas ng mga batayang bayarin at bilihin.
Ang unang natatamaan sa walang humpay na pagtataas ng presyo ng langis at bilihin ay ang mga kababaihan kung saan sila ang namomroblema sa gastusin sa pang-araw araw. Sila ang pangunahing nagbabadyet at kung papaano nila pagkakasyahin ang maliit na kinikita ng kani-kanilang mga asawa.
Ikaapat, patuloy nilang nararanasan ang samu’t saring diskriminasyon sa iba’t ibang aspeto ng kanilang pamumuhay.
Sa pag-eempleyo, karaniwan nang hindi pantay ang pagtrato sa mga kababaihang manggagawa. Sila ay hindi nabibigyan ng pantay na serbisyo at maging ang mga patakarang umiiral sa mga lugar na kanilang pinagtatrabahuhan ay di umaayon sa kanilang katayuan bilang sektor ng kababaihan. Malaganap pa rin ang kaisipang umiiral sa isang sistema kung saan binibigyang diin ang kapangyarihan ng kalalakihan o sistemang “patriarchal”. Mababa ang pagtingin sa kababaihan at mas pinapahalagahan ang papel ng kalalakihan sa lipunan. Sila ay itinuturing na mga “sex object” o commodity sa ilalim ng lipunang kapitalismo.
Ikalima, karaniwang ang nagiging bunton sa mga dumarating na krisis ay ang sektor ng kababaihan kung saan hindi sila ligtas sa mga pang-aabuso at karahasan.
Ayon sa ilang mga pananaliksik at pag-aaral, marami sa mga kababaihan ang dumaranas ng karahasan sa kanilang mga tahanan bunsod ng epekto ng krisis kung saan ang kanilang mga asa-asawa na nagiging aburido, bugnutin at sila ang napagbubuntunan. Maraming naitatalang mga kababaihang dumaranas ng pambubugbog ng asawa at iba pang samu’t saring porma ng karahasan.
Sa paggunita ng Marso 8, ating balik tanawin ang mga kadahilanan kung bakit natin ipinagdiriwang ito sa kasalukuyan. Sa araw na ito binigyan ng pagkilala ang karapatan ng mga kababaihan kung saan ang karapatan nilang bomoto ay patunay ng pagiging pantay nito sa karapatan ng mga kalalakihan. Ngunit hindi rito nagtatapos ang laban ng kababaihan. Ang tunay na diwa ng emansipasyon sa kababaihan ay di natin makakamit hangga’t ang ating lipunan ay nakapailalim sa bulok na sistemang kapitalismo. Kailangan nating lumaya upang mailatag at maipundar ang isang lipunang sosyalismo kung saan ang adyenda ng sektor ng kababaihan ay nasa unahan.
Mabuhay ang kababaihan! Mabuhay ang uring manggagawa!
* Ang may-akda ang ikalawang pangulo ng sosyalistang organisasyong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento