Lunes, Abril 19, 2021

Ano nga ba ang kahulugan ng salitang "tunód"?



ANO NGA BA ANG KAHULUGAN NG "TUNÓD"?
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Naguluhan ako nang makita ko sa UP Diksyunaryong Filipino at sa English-Tagalog Dictionary ni L. English ang kahulugan ng salitang "tunód" na kaiba sa orihinal na pagbanggit dito sa isang katutubong tula o salawikaing malaon nang nalathala.

Sa sanaysay na "Mga Diwa ng Salawikain" ni Virgilio S. Almario, na nalathala sa aklat na "Bakit Kailangan Natin si Pedro Bucaneg?" ay nalathala sa pahina 125 ang sumusunod na saknong:

Pag di ka naglingón-likód
Dito sa bayang marupok,
Parang palasô at tunód
Sa lupa ka mahuhulog.

Ang saknong na ito ang Salawikain 105 sa saliksik ni Almario sa aklat ng isang Jose Batungbacal, ang 101 Selected Tagalog Proverbs and Maxims (1937):

Dahil hindi ko maunawaan ang salitang "tunód" ay tiningnan ko agad iyon sa dalawang diksyunaryo. Ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1289, ang kahulugan ng "tunód" ay: matulis at pahabang sandatang ginagamit na pambala sa busog Cf PALASÔ: ARROW, PLETSA

at sa English-Tagalog Dictionary, pahina 55, na ang Tunód ay Palasô rin, na siyang salin ng arrow.

Kung sa dalawang diksyunaryo, ang "tunód" ay palasô rin pala, bakit sa ikatlong taludtod ng Salawikain 105 ni Batungbacal ay magkasama ang palasô at tunód na animo'y magkaiba ng kahulugan?

Marahil, oo, marahil, magkaiba ang palasô at tunód sa pagtingin ni Batungbacal, dahil marahil sa kaibahan ng yari nito. Marahil ang palasô ay yari sa bakal at ang tunód ay yari sa kawayan. Na kapwa maaaring ipambala sa busog. Kumbaga, ang busog at palasô ang siyang tinatawag nating pana. Maaari din namang ang palasong bakal ay yaong gamit ng dayuhan, habang tinatawag namang tunód yaong gamit ng mga katutubo. Subalit iyon ay sapantaha ko lamang.

Maaaring sa iba, balewala ang usaping ito. Subalit sa aming mga makata o nagsusulat ng tula, magagamit namin ang tunód sa anumang tulang maaari naming magamit sa hinaharap. Lalo na kung naghahanap kami ng katugma sa aming tulang may sukat at tugma. Tingnan ang kinatha kong tanaga:

animo'y mga tuod
ang tanod na nagbuklod
nang sila'y mapaluhod
nailagan ang tunód

Kaya ang tunay na kahulugan ng salitang ito, at marahil ang pagsasalarawan mismo sa tunód, ay magandang masaliksik at malaman.

Walang komento: