Huwebes, Abril 1, 2021

Minsan talaga'y napapatunganga sa kawalan

MINSAN TALAGA'Y NAPAPATUNGANGA SA KAWALAN

minsan talaga'y napapatunganga sa kawalan
di maiwasan, lalo't kayraming nasa isipan
pabahay ng dukha'y paano ba ipaglalaban?
kontraktwalisasyon ba'y paano sosolusyunan?
ang mga pagpaslang ba'y paano mapipigilan?

di lamang naman isang tao ang makalulutas
ng panlipunang suliraning dinaan sa dahas
ng samutsaring isyung ginawa ng mararahas
kung paano patalsikin ang namumunong ungas
kung paano maitatatag ang lipunang patas

minsan napapatunganga rin dahil sa pag-ibig
lalo na't nasa malayo ang nais makaniig
lalo't may mga bagay na sa puso'y nakaantig
habang hinaing ng sambayanan ay di marinig
kayraming sigaw subalit animo'y walang tinig

mga isyu'y paano natin iimbestigahan
ng walang takot at walang pipigil na haragan
mga problema ng bayan ay dapat matugunan
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan
at kolektibong pagkakaisa ng mamamayan

napapatunganga sa kawalan sa paghahanap
ng solusyon upang tuluyang maibsan ang hirap
ng sambayanan dahil sa mga pinunong 'corrupt'
sa pagtunganga'y bakasakaling may mahagilap
na hakbang nang mga apektado'y makapag-usap

- gregoriovbituinjr.

* pag-selfie ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Walang komento: