Martes, Abril 20, 2021

Dapat lagi ka sa tama

DAPAT LAGI KA SA TAMA

dapat lagi ka sa tama
ito ang aming adhika
ipinaglalabang kusa
kung ano ang laging tama

huwag magsasamantala
o mang-aapi ng kapwa
dapat makamit ng masa
ang panlipunang hustisya

ngayon, natatandaan ko
ang bilin ng aking lolo
na lagi kang magmamano
pagkat tanda ng respeto

lola naman ay nagsabi
huwag kang magpapagabi
mahirap, baka maapi
o tumimbuwang sa tabi

sundin mo ang health protocol
at magdala ng alkohol
sa face mask man ay gumugol
basta't malayo sa trobol

igalang ang matatanda
igalang din kahit bata
igalang sinumang dukha
magsasaka't manggagawa

huwag kang basta titingin
sa mga siga't mahangin
baka bigla kang bugbugin
ng mga utak-salarin

dapat gawin mo ang wasto
ipaglaban ang prinsipyo
marangal kahit kanino
bawat isa'y may respeto

- gregoriovbituinjr.

Walang komento: